Kamusta kamusta? Sa muling pagkakataon nakasama ko na naman kayo. Matagal tagal na panahon din tayong hindi nagkasabay, nagkasama, nagkausap. Mahirap man ipaliwanag ang mga nangyari sa buhay ko nitong mga nakaraang araw, iisa lang ang naiisip kong rason para lubos niyong maunawaan kung bakit hindi ako nakapagsulat at nakapagbahagi ng buhay ko - abala lang sa dami ng trabahong ipinukol sa akin sa opisina. Oras at panahon para magpahinga ay naniig sa araw araw.
Pagod sa kakaisip, kakasalita at pakikiramdam ang siyang naging pabigat sa buhay ko. At pahinga ang tanging paraan para ako'y makapagpatuloy.
Sa mga nakapagbasa ng dati ko nang naisulat tungkol sa aming magkakaopisinang pagbakasyon, ngayon ko lang ulit ito mauungkat. At sa pagkakataong ito, hayaan ninyo akong ibahagi ang aking naging karanasan sa pagpunta ko sa Montemar, Bataan.
Mahaba-habang kwentuhan ito, kaya't kung ako sa inyo, magbaon na kayo ng inumin at makakain. Hmmm hindi naman ito nobela, maikling kwento lang po.
Gabi ng Ika-walo ng Pebero, napagdesisyunan na namin ng kaopisina at kaibigan kong si Lyle na dun na matulog sa kanila dahil maaga pa ang alis namin kinabukasan. Sa McDonald's Quezon Ave. ang magiging tagpuan ng grupo, at mahihirapan nga naman ako kung manggagaling pa ako ng Taguig, samantalang iilang bloke lang ang layo nun sa bahay nila Lyle.
Maghahating-gabi na rin ng dumating ako sa bahay nila Lyle. Ang buong akala
ko ay tulog na ang mga kasama niya sa bahay, subalit halos lahat ay gising pat nanood ng movie. Medyo naiilang ako dahil hindi ko pa lubos na kilala ang mga kapatid at magulang nito. Pero kung iisipin, malaki ang naging utang na loob ko sa pamilyang ito, dahil sa kanila nanggaling ang monitor na ngayong ginagamit ko. Dalawa sa apat na kapatid ni Lyle ay nanood ng pelikula, at sa katagalan ng panood namin ay naging kampante naman ang pakiramdam ko. Maliban kasi sa nakakausap ko na sila, nakakasama ko rin sila sa larong Lineage, kaya't hindi rin gaanong kahirap para sa akin ang makibagay.
Alien vs. Predator 2 ang pinapanood namin, eto rin ang naging paksa ko nung nakaraan. Pero manghang-mangha lang ako't kahit na pirated ang copy nito ay mas malinaw pa ito keysa sa sinehan.
Pagkatapos ng palabas ay isa na namang palabas ang pinanood, The Invisible. Tungkol ito sa isang matalinong batang, napaghinalaan, sinaktan at naka-coma ng tatlong araw - resulta upang lumabas ang spirit nito. Ang masama nito, ang buhay niyang katawan ay itinago kaya't hirap na hirap sa paghahanap ang pamilya at mga pulis sa kanya. Sa katauhan ng espiritu, gumawa siya ng paraan para makita ang kanyang katawaan. Naangkop ang palabas sa mga kabataan, dahil sa bata pa ang bida at ang pagiisip ay naayon sa mundo ng mga kabataan.
Halos mag-aalas dos na ng madaling araw nang kami'y natapos sa pelikula at natulog.
Alas kwatro ay mulat na ang mga mata, ngunit tulog pa ang diwa namin ni Lyle. Medyo nagising na lang kami ng tuluyan ng nagkitakita na ang grupo sa nasabing tagpuan.
Hmmm...mukhang napahaba na naman ata ang sulat ko...teka teka...putulin muna natin 'to at sa susunod na araw ay buong pahina niyo nang makikita ang ibig kong sabihin. Bitin ba? Hehehe.
Abangan ang susunod na kabanata....
Saturday, February 23, 2008
A Friend's Hospitality
Posted by
Pinoy Diwa
at
5:06 PM
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comments:
hey, parang ako lang ata visitor at reader mo myBro.. hahaha..
Post a Comment