Monday, January 7, 2008

The Art of Sharing

Lunes na naman, ito na araw na maituturing kong balik sa normal ang lahat, halos lahat ng mga nagsipagbakasyon sa iba't ibang lalawigan bunga ng selebrasyon ng Pasko at Bagong Taon, ay bumalik na sa kani-kanilang mga gawain - maging estudyante, empleyado, negosyante o kahit isang tambay lang. Para sa akin, ito ang araw kung saan nagsisimula ang bagon taon ng trabaho.

Kahit nung nakaraang linggo kasi, wala sa isip ko ang pagtuunan ng pansin ang trabaho. Ramdam ko pa kasi ang init ng bagong taon, kaya't pilit ko pa itong nilalasap. Ika nga, minsan lang kung mag-bagong taon, kaya't kung ano man ang nararamdaman mo sa mga panahong iyun, malamang bibilang ka ulit ng 12 buwan upang ito'y ulit na maramdaman.

Marami-rami din ang trabaho sa araw na ito, halos kalahati kasi ng bilang sa departamento namin ay hindi pumasok, kaya't resposibilidad ng mga pumasok ang gampanan ang kanilang mga trabaho. Pagtutulungan ang tawag namin dito, nang sa gayun, kapag pwede na ulit pumasok, hindi na matatambakan ng trabaho.


Isa sa aral ng pagtutulungan ang natutunan ko sa matalik kong kaibigan, kapanalig at kapatid na si myBro Bren, na kahit kakarampot na lang ang meron ka, at ibahagi mo ito sa walang wala na, ay daig mo pa ang pinakamayamang tao sa napanalunan mo - ang pakikipag-kaibigan. Hindi kasi kayang bayaran ang aspetong ito sa buhay natin, lalong lalo na sa mga pinoy. Importante sa atin ang may kaakibat at kaagapay, lalo na sa panahon ng pangangailangan.

Sa araw na ito, pinansyal na kinapos na naman ako. Higpit na higpit kong hinawakan ang 20 pesos na natira sa bulsa ko pagdating ko ng opisina, takot akong baka mawala ito, dahil alam ko na ang magiging kapalaran ko sa hapon...malamang maglalakad ako pauwi sa amin.

Bilang ko na rin ang gagastusin, kaya't kahit papano ay kampante pa naman akong kakasya ang natirang pera ko pamasahe pauwi. Mabait ang DIYOS at yun ang lagi kong sinasaiisip. Hindi naman naging problema ang pananghalian ko dahil may nagrarasyon ng pagkain sa opisina namin. Kaya't kay buti ng DIYOS sa lahat ng oras.

Naikwento ko ang lahat ng ito kay Bro Bren, at laking pasasalamat ko't handa naman siyang tumulong sa pangangailangan ko. Subalit dinaig ng isip ko ang bugso ng bulsa ko, na marahil matutukso akong bumili ng mga bagay bagay na hindi naman talaga kelangan kung may extra pa ako, kaya't napagdesisyunan kong pagkasyahin na lang ang kung anong meron ako.

'Natuto akong mamaluktot habang maikli ang kumot' ang naging leksyon ko sa araw na ito, at hindi na baleng mamaluktot, ang higit na importante ay ang leksyon na natutunan ko sa kaibigan ko at yun ay ang makapagbahagi ng kung anong meron ka sa walang wala na.

Be rich in good works, ready to give, willing to share.
- 1 Timothy 6:18

Ito rin ang tinalakay ng 'Our Daily Bread - Jun 7' na pinamagatang Willing To Share. Naging madamot ba tayo sa kung anong meron tayo? Marahil maitatanong natin sa ating sarili habang patuloy ang ating paglalakbay sa buhay - at sana sa mga oras na yun makakasagot na tayo sa kung ano ang tama at karapat - dapat.

Love is giving for the worlds needs,
Love is sharing as the Spirit leads,
Love is caring when the world cries,
Love is compassion with Christlike eyes.
- Brandt

0 comments: